Marami ang naiparating ng simpleng pakikipagkamay. Noong gabi ng Marso 1963, dalawang manlalaro ng basketball sa kolehiyo—isang Itim at isang Puti—ang nagkamayan. Ito ang unang pagkakataon sa kasaysayan ng Mississippi State na naglaban ang isang koponang puro Puti at isang koponang may mga Itim na manlalaro. Marami ang sumubok na harangan ang mga puting manlalaro ng Mississippi State, ngunit gumawa sila ng stratehiya para makalahok pa rin sa laro. Gayundin naman, upang makalahok ang mga manlalaro ng Loyola University Chicago na itim ang balat, kinailangan nilang tiisin ang mga panlalait. Pinagbabato sila ng popcorn at yelo, at pinagsaraduhan ng mga pinto habang naglalakbay. Sa kabila ng mga ito, nagpatuloy sila sa paglalaro. Tinalo nila ang koponan ng mga puting manlalaro at sa huli, naging kampeon.

Ngunit ano ang tunay na nagtagumpay noong gabing iyon? Isang hakbang mula sa galit patungo sa pagmamahal. Gaya ng itinuro ni Jesus, “Mahalin ninyo ang inyong mga kaaway, at gawan ninyo ng mabuti ang mga napopoot sa inyo” (ʟᴜᴄᴀꜱ 6:27).

Tunay na nakapagpapabago ng buhay ang utos na ito ng Dios. Upang magawa natin ang utos ni Jesus na mahalin ang ating mga kaaway, kailangan nating magbago. Gaya ng isinulat ni Apostol Pablo, “Ang sinumang nakay Cristo ay isa nang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao; binago na siya” (2 ᴄᴏʀɪɴᴛᴏ 5:17). Paano malalabanan ng ating bagong pagkatao ang ating lumang pagkatao? Sa pamamagitan ng pagmamahal. Kapag ginawa natin ito, makikita natin si Jesus sa isa’t isa.