Noong huling bahagi ng 1800s, iba’t ibang mga grupo ang nakabuo ng mga bagong programa para sa ministeryo. Nauna sa Montreal, Canada noong 1877, pagkatapos sa New York City naman noong 1898. Noong 1922, 5,000 na ang programa sa Amerika tuwing tag-init. Ito ang simula ng Vacation Bible School (VBS). Bunga ito ng hangarin nilang makilala ng mga kabataan ang Biblia.
Katulad ang hangarin ni Apostol Pablo para sa batang alagad niyang si Timoteo. Sinabi ni Pablo, “Lahat ng Kasulatan ay isinulat sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Dios” at nag-aangkop sa atin para sa “mabubuting gawa” (2 ᴛɪᴍᴏᴛᴇᴏ 3:16–17). Hindi lang simpleng mungkahi ang “mabuting magbasa ng Biblia.” Mabigat na babala ang sinundan nito: “magiging mahirap ang mga huling araw” (ᴛᴀʟ. 1), at magkakaroon ng mga bulaang tagapagturong hindi “nauunawaan ang katotohanan” (ᴛᴀʟ. 7). Sa pagbabasa ng Kasulatan, maiingatan natin ang sarili, lalalim ang pagkakilala natin kay Cristo, at magkakaroon tayo ng “karunungan tungo sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus” (ᴛᴀʟ. 15).
Hindi lang para sa mga bata ang pag-aaral ng Biblia, kundi para rin sa mga matatanda. Hindi lang ito tuwing tag-init, kundi araw-araw. Sinabi ni Pablo na “mula pa sa pagkabata,” alam na ni Timoteo ang Banal na Kasulatan” (ᴛᴀʟ. 15). Pero hindi pa huli ang magsimula. Anuman ang yugto ng buhay natin, ang karunungan ng Biblia ang nag-uugnay sa atin kay Jesus.