Sa maikling kuwento ni Fredric Brown na “Knock,” isinulat niya, “Mag-isa sa kuwarto ang huling tao sa mundo. May kumatok sa pinto.” Nakakatakot! Sino kaya iyon? Hindi pala nag-iisa ang huling tao sa mundo. At sa magandang paraan, ganoon din tayo.

Nakarinig ng katok sa kanilang pintuan ang simbahan sa Laodicea (ᴘᴀʜᴀʏᴀɢ 3:20). Sino ang makapangyarihang nilalang na dumating? Siya si Jesus, “ang simula at ang katapusan... na buhay magpakailanman” (1:17–18). Nagniningas na parang apoy ang Kanyang mga mata, at “ang mukha Niya ay nakakasilaw tulad ng araw sa katanghaliang tapat” (ᴛᴀʟ. 16). Nang makita ni Juan ang Kanyang kaluwalhatian, “napahandusay [siya] na parang patay sa kanyang paanan” (ᴛᴀʟ. 17). Nagsisimula ang pananampalataya kay Cristo sa banal na pagkatakot sa Dios.

Hindi tayo nag-iisa, at nakakapagbigay ito ng lakas ng loob. Si Jesus ay “nagniningning na kadakilaan ng Dios, at kung ano ang Dios ay ganoon din siya. Siya ang nag-iingat sa lahat ng bagay sa mundo sa pamamagitan ng makapangyarihan niyang salita” (ʜᴇʙʀᴇᴏ 1:3). Ngunit ginagamit ni Cristo ang Kanyang lakas hindi upang parusahan tayo, kundi upang mahalin tayo. Pakinggan ang Kanyang paanyaya, “Kung may makarinig sa akin at buksan ang pinto, papasok ako at magsasalo kami sa pagkain” (PAHAYAG 3:20). Nagsisimula ang ating pananampalataya sa takot—Sino ang nasa pinto?—at nagtatapos ito sa isang malugod at matibay na yakap. Ipinapangako ni Jesus na lagi Siyang mananatili sa atin, kahit na tayo pa ang huling tao sa mundo. Salamat sa Dios, hindi tayo nag-iisa