Nang mapansin ko ang isang sangang tumutubo sa tabi ng aming beranda, binalewala ko ito. Hindi naman makakasira ang maliit na damo sa aming halamanan, hindi ba? Ngunit paglipas ng mga linggo, lumaki ito at nagsimulang sakupin ang aming bakuran. Umabot na sa aming daanan ang mga ligaw na sanga nito at tumubo sa iba’t ibang bahagi. Humingi na ako ng tulong sa asawa ko para hukayin ito. Naglagay din siya ng pampatay-damo upang protektahan ang aming bakuran.
Tulad ng hindi kanais-nais na damong sumakop sa halamanan namin, maaari ring pumasok ang kasalanan sa ating buhay kapag binalewala natin. Walang anumang bahid ng dilim ang Dios, sapagkat banal Siya. Bilang Kanyang mga anak, binigyan Niya tayo ng kakayahang harapin ang mga kasalanan upang makalakad tayo sa liwanag, gaya Niya na nasa liwanag (1 ᴊᴜᴀɴ 1:7). Sa pamamagitan ng pag-amin at pagsisisi, nararanasan natin ang kapatawaran at kalayaan mula sa kasalanan (ᴛᴀʟ. 8–10) dahil mayroon tayong dakilang tagapamagitan—si Jesus (2:1). Kusang- loob Siyang nagbayad ng pinakamataas na halaga para sa ating mga kasalanan—ang Kanyang dugo—hindi lamang para sa atin kundi para sa buong mundo (ᴛᴀʟ. 2).
Kapag ipinaaalam ng Dios ang ating mga kasalanan, maaari nating piliing tanggihan, iwasan, o ilihis ang responsibilidad. Ngunit kapag umamin tayo at nagsisi, binubunot Niya ang mga kasalanang sumisira sa ating relasyon sa Kanya at sa iba.