"Panginoon, ipadala Mo ako kahit saan, huwag lang doon.“ Ito ang aking dasal bago sumabak bilang foreign exchange student. Hindi ko alam ang wika ng bansang iyon, at puno ng mga pagkiling ang isip ko sa mga kaugalian at mga tao roon. Kaya hiniling ko sa Dios na ipadala ako sa ibang lugar.
Ngunit sa Kanyang walang hanggang karunungan, dinala ako ng Dios mismo sa lugar na iyon. Masaya akong ginawa Niya iyon! Apatnapung taon na ang nakalipas, may mga kaibigan pa rin ako mula sa bansang iyon. Noong ikinasal nga ako, si Stefan, na mula roon, ang best man ko. Nang siya naman ang ikinasal, lumipad ako roon para suklian ang pabor.
Magagandang bagay ang nangyayari kapag binabago ng Dios ang puso ng tao. Makikita ang ganitong pagbabago sa tatlong salitang ito: “Kapatid na Saul” (ɢᴀᴡᴀ 9:17).
Mula kay Ananias ang mga salitang iyon. Tinawag siya ng Dios upang pagalingin ang paningin ni Saul matapos nitong magtiwala kay Jesus (ᴛᴀʟ. 10–12). Noong una, tumutol si Ananias dahil sa nakaraan ni Saul: “Panginoon, marami po akong nababalitaan tungkol sa taong iyon, na malupit siya sa inyong mga pinabanal sa Jerusalem” (ᴛᴀʟ. 13).
Ngunit sumunod pa rin si Ananias. Dahil nagkaroon siya ng pagbabago ng puso, nakatagpo siya ng bagong kapatid sa pananampalataya: si Saul, na kalaunan ay naging si Pablo. At kumalat ang Magandang Balita tungkol kay Jesus. Laging posible ang tunay na pagbabago sa pamamagitan Niya!”