Sumulat si Brenda sa isang psychiatrist upang humingi ng payo. Ayon kay Brenda, dahil sa mga hangarin niya, wala na siyang kasiyahan. Matalim ang naging sagot ng psychiatrist. Hindi raw idinisenyo ang tao para maging masaya, “kundi para mabuhay at magparami lamang.” Tila paru-paro raw ang kasiyahan, at isinumpa tayong habulin ang “mapanukso at mailap” na paru- parong ito, pero “hindi natin ito mahuhuli palagi.”
Ano kaya ang naramdaman ni Brenda habang binabasa ang mga sinabi ng psychiatrist? Paano kaya kung Salmo 131 ang kanyang nabasa? Sa salmong ito ipinahayag ni Haring David ang isang gabay kung paano makakamit ang kasiyahan. Nagsimula siya sa pagpapakumbaba at pagsasantabi ng kanyang pagiging hari. Isinantabi rin niya ang pagharap sa malalaking katanungan sa buhay, bagama’t mahalaga ang mga ito (ᴛᴀʟ. 1). Pagkatapos, pinatahimik niya ang kanyang puso sa harap ng Dios (ᴛᴀʟ. 2) at ipinagkatiwala ang lahat sa Kanyang mga kamay (ᴛᴀʟ. 3). Ito ang naging resulta: “Kontento na ako katulad ng batang inawat na hindi na naghahangad ng gatas ng kanyang ina” (ᴛᴀʟ. 2).
Dahil wasak ang ating mundo, magiging mailap paminsan- minsan ang kasiyahan. Sa Filipos 4:11–13, sinabi ni Apostol Pablo na natututunan ang kasiyahan. Ngunit kung naniniwala tayong idinisenyo lang tayo para “mabuhay at magparami,” tiyak na hindi natin mahuhuli ang kasiyahan. Mabuti na lang at ipinakita ni David ang ibang paraan: sa pamamagitan ng tahimik na pagpapahinga sa presensya ng Dios.