Habang nagpapagaling si Emile Calliet mula sa tama ng balang natamo niya sa digmaan, hinanap niya ang kahulugan ng buhay. Inisip niya kung may “isang aklat na makauunawa sa akin.” Wala siyang nakita, kaya pinagsama-sama niya sa isang aklat ang dunong ng mga pilosopo. Ngunit nang basahin niya ito, nawalan siya ng pag-asa. Hindi ito nagbigay buhay sa kanya.

Sa mismong araw na iyon, sa kakaibang pangyayari, nakakuha ng Biblia ang kanyang asawa. Nang basahin ito ni Emile, naramdaman niya ang “hindi maipaliwanag na init na dumaloy sa loob niya.” Dito niya napagtantong ito ang aklat na makauunawa sa kanya. Nakilala niya mula rito si Jesus, na Siyang “nagsalita at kumilos sa Biblia.” At nabuhay si Jesus sa kanyang buhay.

Katulad ng natutunan ni Emile, hinikayat ni Apostol Pablo ang mga mananampalataya sa Colosas na “manahan nawang sagana sa [kanila] ang salita ni Cristo” (ᴄᴏʟᴏꜱᴀꜱ 3:16 ᴀʙᴀʙ). Sa wikang Griyego, ang salitang “manahan” dito ay literal na nangangahulugang “manirahan sa inyo”—tulad ng paninirahan sa isang bahay. Sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, nananahan si Cristo sa mga nagtitiwala sa Kanya. At nananahan din tayo sa Kanya sa pamamagitan ng pagbubulay ng “mga salmo at ng mga himno at mga awit na ukol sa Espiritu” (ᴛᴀʟ. 16). Naninirahan tayo sa mensahe ni Cristo sa pamamagitan ng Biblia, at nananahan Siya sa atin sa pamamagitan ng Banal na Espiritu.

Dahil sa Dios na nagbigay inspirasyon sa Aklat, mayroon tayong isang kahanga-hangang Aklat na nakauunawa sa atin. Habang gumugugol tayo ng oras sa mga pahina nito, binubuhay ng Banal na Espiritu ang mensahe nito sa atin.