Nakatayo kami ng kaibigan kong si Soozi sa ibabaw ng mga bato sa dalampasigan. Pinapanood namin ang mga bula mula sa alon ng dagat. Habang tinitingnan ang mga along papalapit sa mga bato, sinabi ni Soozi, “Gusto ko sa karagatan. Dahil patuloy itong umaagos patungo sa akin, hindi ko kailangang gumalaw!”
Nakatutuwang isiping may ilan sa ating tila kailangan pang humingi ng permiso para huminto sa ating mga gawain at magpahinga. Ngunit iyan mismo ang inaalok ng ating mabuting Dios! Sa loob ng anim na araw, nilikha ng Dios ang mundo—mula sa liwanag, lupa, halaman, hayop, at tao. Pagkatapos, sa ikapitong araw, nagpahinga Siya (ɢᴇɴᴇꜱɪꜱ 1:31–2:2). Sa Sampung Utos naman, inilista ng Dios ang Kanyang mga tuntunin para sa pamumuhay na nagbibigay luwalhati sa Kanya (ᴇXᴏᴅᴜꜱ 20:3–17). Kabilang sa mga utos ang alalahanin ang Araw ng Pamamahinga (ᴛᴀʟ. 8–11). Sa Bagong Tipan naman, makikita natin si Jesus na nagpapagaling sa lahat ng may sakit sa bayan (ᴍᴀʀᴄᴏꜱ 1:29–34), ngunit pagkatapos, maaga Siyang umaalis kinaumagahan upang magdasal sa isang tahimik na lugar (ᴛᴀʟ. 35). Sadyang nagtatrabaho at nagpapahinga ang ating Dios.
Umuugong sa ating paligid ang ritmo ng pagtatrabaho at ng Kanyang paanyayang magpahinga. Halimbawa, nilikha Niya ang bawat araw na may umaga, tanghali, hapon, at gabi. Inayos ng Dios ang ating mga buhay para sa trabaho at pahinga, kaya may pahintulot tayong parehong gawin ang dalawang ito.