Minsan, tinulungan ko ang apo kong si Logan sa kanyang takdang-aralin sa algebra. Sinabi niya sa akin ang kanyang pangarap na maging inhinyero. Matapos kaming bumalik sa pagkuwenta ng mga x at y sa kanyang takdang-aralin, sinabi niya, “Magagamit ko ba ang mga ito?”
Hindi ko naiwasang ngumiti at sinabi, “Apo, ito ang mga bagay na tiyak na magagamit mo kung magiging inhinyero ka.” Hindi niya naisip ang koneksyon sa pagitan ng algebra at kanyang pinapangarap.
Minsan, ganyan din ang tingin natin sa Kasulatan. Kapag nakikinig tayo sa mga sermon at nagbabasa ng ilang bahagi ng Biblia, maaaring isipin natin, “Magagamit ko ba ang mga ito?” May ilang sagot ang salmistang si Haring David. Sinabi niyang ang mga katotohanan ng Dios na matatagpuan sa Kasulatan ay “nagbibigay sa atin ng bagong kalakasan,” “nagbibigay karunungan,” at “nagbibigay kagalakan” (ꜱᴀʟᴍᴏ 19:7–8). Tinutulungan tayo ng karunungan ng Kasulatan habang araw-araw tayong umaasa sa gabay ng Banal na Espiritu (ᴋᴀᴡɪᴋᴀᴀɴ 2:6).
Mahalaga ang mga Kasulatan dahil ito ang paraang ibinigay ng Dios upang maranasan natin Siya at mas makilala natin ang Kanyang pag-ibig at mga paraan. Bakit natin kailangang pag-aralan ang Biblia? Dahil “ang mga utos ng Panginoon ay malinaw at nagbibigay liwanag sa kaisipan” (ꜱᴀʟᴍᴏ 19:8).