Noong bata ako, isang tangkeng pandigma ang inilagay sa parke malapit sa aming bahay. Maraming mga karatulang nagbabala tungkol sa panganib ng pag-akyat sa tangke, ngunit agad na umakyat ang aking mga kaibigan. Medyo nag- aalangan ang iba, pero sa huli, sumunod rin kami. Mabilis naman kaming tumalon pababa nang makita ang isang matandang lalaking papalapit. Mas nangibabaw ang tukso kaysa sa aming pagnanais na sumunod sa mga alituntunin.
Mayroong pusong mapagrebeldeng nagkukubli sa ating lahat. Ayaw nating sinasabihan tayo kung ano ang dapat gawin o hindi dapat gawin. Pero nabasa natin sa Aklat ni Santiago na kapag alam natin kung ano ang tama at hindi natin ito ginagawa—kasalanan ito (4:17). Sa Roma naman, isinulat ni Apostol Pablo: “Hindi ko ginagawa ang mabuting nais kong gawin, kundi ang masamang hindi ko nais gawin—ito ang aking patuloy na ginagawa. Ngayon, kung ginagawa ko ang hindi ko nais gawin, hindi na ako ang gumagawa nito, kundi ang kasalanan na nakatira sa akin ang gumagawa nito” (7:19–20).
Bilang mga nagtitiwala kay Jesus, maaaring maguluhan tayo sa ating pakikibaka sa kasalanan. Ngunit madalas, umaasa tayo sa ating sariling kakayahan upang gawin ang tama. Isang araw, kapag namatay na tayo, talagang magiging patay na tayo sa mga masamang paggawa. Hanggang sa mga oras na iyon, maaari tayong umasa sa kapangyarihan ni Jesus na Siyang tumalo sa kamatayan at muling nabuhay para iligtas tayo sa kaparusahan sa kasalanan.