Ilang taon na ang nakalipas, inalagaan ko ang aking ina bago siya pumanaw. Ipinagpapasalamat ko sa Dios ang apat na buwang ibinigay Niya sa akin para maalagaan siya. Hiniling ko rin sa Kanya na tulungan ako sa proseso ng pagluluksa. At nang pumanaw na nga ang aking ina, hindi ko napigilan ang umiyak. Ngunit kasabay noon, naibulong ko rin ang “Hallelujah.” Napaluha ako nang may pagpupuri sa Dios sa ganoong masakit na sandali.
Gayundin naman, sa awit ni Haring David para sa “pag-aalay ng templo,” sumamba siya sa Dios dahil sa Kanyang katapatan at awa (ᴛᴀʟ. 1–3). Hinikayat din niya ang iba upang “papurihan... ang Kanyang banal na pangalan” (ᴛᴀʟ. 4). Ngunit pagkatapos nito, tinalakay naman ni David na posibleng sabay na maranasan ang paghihirap at pag-asa (ᴛᴀʟ. 5). Tinanggap niyang may panahon ng kalungkutan at kasiyahan, katiyakan at pagkadismaya (ᴛᴀʟ. 6–7). Sa gitna ng kanyang mga pagluha, nanatili ang pagtitiwala niya sa Dios (ᴛᴀʟ. 7–10). Sa anumang panahon ng kanyang buhay, pagtangis man o pagkagalak, nagpuri si David (ᴛᴀʟ. 11). Sa huli, ipinahayag ni David ang kanyang walang hanggang pagsamba sa Dios (ᴛᴀʟ. 12).
Gaya ni David, maaari tayong umawit, “Panginoon kong Dios, kayo ay aking pasasalamatan magpakailanman” (ᴛᴀʟ. 12). Sa kabila ng ating kasiyahan o paghihirap, matutulungan tayo ng Dios upang ipahayag ang ating pagtitiwala at pagsamba sa Kanya nang may luha ng pagpupuri.