Noong itinayo ang aming unang simbahan, isinulat namin sa mga haligi at sahig ang mga pasasalamat namin sa Dios. Kaya kapag tinanggal mo ang mga harang ng mga haligi at sahig, makikita mo ang mga talata mula sa Biblia at mga panalangin ng papuri tulad ng “Napakabuti Mo!” Isinulat namin ang mga iyon bilang mensahe sa mga susunod na henerasyong sa kabila ng mga pagsubok, hindi kami pinabayaan ng Dios.
Kailangan nating alalahanin ang mga ginawa ng Dios para sa atin at ipahayag ito sa iba. Ginawa ito ni Propeta Isaias nang isulat niya, “Aking aalalahanin ang kagandahang-loob ng Panginoon” (ɪꜱᴀɪᴀꜱ 63:7 ᴀʙᴀʙ). Dagdag pa rito, inilarawan din ng propeta ang habag ng Dios sa Kanyang bayan. Pati na rin kung paanong “sa lahat nilang pagdadalamhati ay nadalamhati siya” (ᴛᴀʟ. 9). Kung babasahin mo pa ang kabanata, makikita mong muling dumaan sa panahon ng paghihirap ang bansang Israel, at tumangis ang propeta para sa pagtulong ng Dios.
Makakatulong ang pag-alala sa mga kagandahang-loob ng Dios kapag humaharap tayo sa pagsubok. Dumarating at lumilipas ang mga hamon, ngunit hindi nagbabago ang katapatan ng Dios. Sa tuwing lalapit tayo sa Kanya nang may pasasalamat at pag-alala ng lahat ng Kanyang ginawa, muli nating matutuklasang lagi Siyang karapat-dapat sa ating papuri.