Habang tumatakbo ako sa kagubatan, sinubukan kong maghanap ng shortcut. Pumasok ako sa isang daang hindi ko kabisado. Nang may makasalubong akong tumatakbo mula sa kabilang direksyon, tinanong ko kung nasa tamang landas ako. “Oo,” sagot niya. Nakita niya ang duda sa aking mukha kaya agad niyang sinabi, “Huwag kang mag-alala, nasubukan ko na ang lahat ng maling daan! Pero okay lang, bahagi ‘yan ng pagtakbo.”
Angkop na larawan ito ng aking buhay espirituwal. Ilang beses na akong lumayo sa Dios, bumigay sa tukso, at nahulog sa patibong ng kaaway. Pero pinatawad ako ng Dios sa bawat pagkakataon at tinulungan akong magpatuloy. Alam ng Dios na mahilig tayong dumaan sa maling landas. Pero handa Siyang magpatawad nang paulit-ulit kung hihingi tayo ng kapatawaran at hahayaan natin ang Banal na Espiritu na baguhin tayo.
Alam din naman ni Apostol Pablo ang kanyang mga nagawang kasalanan at mga kahinaan sa kasalukuyan. Malayo pa siya sa magagandang katangian ni Jesus (ꜰɪʟɪᴘᴏꜱ 3:12). Sinabi ni Pablo, “Ngunit ito ang ginagawa ko ngayon: Kinakalimutan ko na ang nakaraan at pinagsisikapan kong makamtan ang nasa hinaharap... Nagpapatuloy ako” (ᴛᴀʟ. 13–14). Bahagi ng ating paglakad kasama ang Dios ang pagkadapa. Sa ating mga pagkakamali, tutulungan pa rin tayo ng Dios na makabangon at magbago. Ang Kanyang biyaya ang nagbibigay sa atin ng lakas para magpatuloy bilang mga pinatawad na anak Niya.