Noong halos tatlong taong gulang ang anak ko, kinailangan kong sumailalim sa isang operasyong mangangailangan ng isa o higit pang buwan para gumaling. Hindi ko alam kung paano ko aalagaan ang isang bata at magluluto ng aming pagkain sa panahong iyon. Natakot ako sa magiging epekto ng aking kahinaan sa takbo ng aming buhay.

Sadya namang pinahina ng Dios ang puwersa ng hukbo ni Gideon bago siya humarap sa mga Midianita. Una, pinayagang umuwi ang mga natatakot na sundalo. Dalawampu’t dalawang libo ang umuwi (ʜᴜᴋᴏᴍ 7:3). Pagkatapos, mula sa natirang sampung libo, tanging ang mga uminom ng tubig sa kanilang mga kamay ang pinayagang manatili. Tatlong daang lalaki na lang ang natira. Ngunit ang kakulangang ito ang pumigil sa mga Israelita na umasa sa kanilang sarili (ᴛᴀʟ. 5–6). Hindi nila masasabing, “sarili nilang kakayahan” ang nagpanalo sa kanila (ᴛᴀʟ. 2).

Marami sa atin ang nakararanas ng mga pagkakataon ng pagkapagod at panghihina. Nang mangyari ito sa akin, napagtanto ko kung gaano ko kailangan ang Dios. Pinalakas Niya ang aking loob sa pamamagitan ng Kanyang Banal na Espiritu. Tinulungan din Niya ako sa pamamagitan ng mga kaibigan at kapamilya. Kaya naman natuto akong umasa nang lubos sa Dios. Dahil ang “[Kanyang] kapangyarihan ay nakikita sa [ating] kahinaan” (2 ᴄᴏʀɪɴᴛᴏ 12:9), mayroon tayong pag-asa kahit na hindi natin kayang matugunan ang ating mga pangangailangan sa ating sariling lakas.