Nakatanggap ako ng tawag mula sa isang hindi kilalang numero. Magalang na nagtanong ang tumawag kung maaari raw akong maglaan ng isang minuto. Magbabahagi raw siya ng isang maikling talata mula sa Biblia. Binanggit niya ang Pahayag 21:3–5 tungkol sa kung paanong “papahirin [ng Dios] ang mga luha sa kanilang mga mata.” Nagkuwento siya tungkol kay Jesus, kung paanong Siya ang ating katiyakan at pag-asa. Sinabi ko sa kanyang kilala ko na si Jesus bilang aking personal na Tagapagligtas. Ngunit hindi layunin ng tumawag na “magpatotoo” sa akin. Sa halip, nagtanong siya kung maaari ba niya akong ipanalangin. At iyon nga ang ginawa niya. Hiniling niya sa Dios na bigyan ako ng lakas at kaaliwan.

Dahil sa tawag na iyon, naalala ko ang isang pangyayari sa Biblia. Tinawag rin noon ng Dios ang batang si Samuel sa gitna ng gabi (1 ꜱᴀᴍᴜᴇʟ 3:4–10). Tatlong beses narinig ni Samuel ang boses. Inakala niyang tinig iyon ni Eli, ang matandang pari. Sa huling pagkakataon, pagkatapos sundin ang tagubilin ni Eli, napagtanto ni Samuel na ang Dios ang tumatawag sa kanya. Sumagot si Samuel, “Magsalita po kayo, ᴘᴀɴɢɪɴᴏᴏɴ, sapagkat nakikinig ang lingkod Ninyo” (ᴛᴀʟ. 10).

Naisip ko rin ang “pagtawag” sa ibang paraan. Paano kung tayo ang tinawag ng Dios upang ipahayag ang Kanyang Salita sa iba? Maaaring pakiramdam nating wala tayong magagawa upang matulungan ang iba. Ngunit habang ginagabayan tayo ng Dios, maaari tayong tumawag sa isang kaibigan at magtanong, “Puwede ba kitang ipagdasal ngayon?”