Ilang araw bago ang Biyernes Santo, habang inaalala ng mga nagtitiwala kay Jesus ang sakripisyo Niya sa krus at pinagdiriwang ang Kanyang muling pagkabuhay, isang terorista ang sumalakay sa isang palengke. Namaril ito at pumatay ng dalawang tao. Pagkatapos ng negosasyon, pinalaya ng terorista ang lahat maliban sa isang babae. Sa kabila ng panganib, nagboluntaryo ang pulis na si Arnaud Beltrame na siya na lang ang gawing bihag. Pinalaya ang babae, pero nasugatan si Beltrame at namatay.

Maihahalintulad ang pag-aalay ng buhay ni Arnaud sa sinabi ng Panginoong Jesus sa Juan 15:13: “Wala nang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-alay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan.” Iyan ang mga salitang sinabi ni Cristo sa Kanyang mga alagad matapos ang kanilang huling hapunan. Sinabi ni Jesus sa Kanyang mga kaibigan na “Magmahalan kayo katulad ng pagmamahal ko sa inyo” (ᴛᴀʟ. 12). Dagdag pa Niya, ang pinakamataas na anyo ng pag-ibig ay ang mag-alay ng buhay para sa iba (ᴛᴀʟ. 13). Ito mismo ang ginawa ni Jesus nang ialay Niya ang Kanyang buhay sa krus upang iligtas tayo mula sa kaparusahan sa kasalanan.

Hindi man natin magawa ang tulad ng kay Arnaud Beltrame, habang nananatili tayo sa pag-ibig ng Dios, maaari tayong maglingkod sa iba. Maaari tayong magsakripisyo ng ating oras, plano, o hangarin habang pinagsusumikapan nating ibahagi ang Kanyang dakilang pag-ibig sa iba.