Habang naglilibot ako sa Scottish National Gallery, naagaw ang pansin ko ng isa sa mga ipininta ni Vincent van Gogh na hango sa puno ng olibo. Maraming dalubhasa sa kasaysayan ang nagsasabing hango sa nangyari kay Jesus sa Hardin ng Getsemane ang ipininta ni van Gogh. Makikita kasi sa isa sa mga larawan ang mga patak na kulay pula sa ilalim ng mga puno ng olibo.

Nanalangin noon sa Bundok ng Olibo ang Panginoong Jesus. Ito ang gabing sinabi ni Jesus na pagtataksilan Siya ni Judas na Kanyang alagad. At dahil sa pagtataksil na iyon, daranasin ni Jesus ang labis na hirap sa pagkapako sa krus. Kaya habang nananalangin si Jesus, “ang mga pawis Niya ay parang dugo na tumutulo sa lupa” (ʟᴜᴄᴀꜱ 22:44). Nagpapakita ang pangyayaring ito kung gaano katindi ang hinagpis ni Jesus bago Niya harapin ang pagdurusa, kahihiyan, at pagkapako sa krus.

Ipinapakita ng mga pulang patak sa ipininta ni van Gogh na ang “Anak ng Tao ay kailangang dumanas ng maraming paghihirap. Itatakwil siya ng mga pinuno” (ᴍᴀʀᴄᴏꜱ 8:31). Kahit kalakip ang matinding paghihirap sa kuwento ng buhay ni Jesus, hindi naman ito ang tampok. Ang Kanyang muling pagkabuhay at pagtalo sa kamatayan ang pinakamagandang bahagi ng kuwento. Dahil dito, maaari tayong umasang hindi sa paghihirap magtatapos ang lahat. May buhay na walang hanggang naghihintay sa lahat ng magtitiwala kay Jesus.