Nagpunta sina Ben at kanyang mga kaibigan sa mga kilalang museo sa Paris. Kahit hindi estudyante ng sining si Ben, napahanga siya habang tinitingnan ang ipinintang larawang pinamagatang “The Disciples Peter and John Running to the Sepulchre on the Morning of the Resurrection” (“Sina Pedro at Juan na Tumatakbo Patungo sa Libingan ni Jesus Noong Umaga ng Muling Pagkabuhay”) ni Eugène Burnand. Makikita ang mga ekspresyon sa mga mukha nina Apostol Pedro at Juan na inaanyayahan ang mga manonood na makisalo sa kanila.

Batay sa Juan 20:1–10, inilalarawan ng obra ang dalawa habang tumatakbo patungo sa walang lamang libingan ni Jesus (ᴛᴀʟ. 4). Sumasalamin din ang obra sa tindi ng damdaming naramdaman ng dalawang disipulo. Bagama’t sa panahong iyon, hindi pa ganap ang kanilang pananampalataya, tumatakbo sila sa tamang direksyon. Kalaunan, nagpakita sa kanila ang muling nabuhay na si Jesus (ᴛᴀʟ. 19–29). Hindi naman naiiba ang kanilang paghahanap sa paghahanap ngayon ng mga nagnanais kay Jesus. Kahit na hindi natin makita ang walang lamang libingan ni Jesus o ang obrang ginawa ni Burnand, maliwanag pa rin nating nakikita ang Magandang Balita mula sa Biblia. Hinihikayat tayo ng Biblia upang umasa, maghanap, at tumakbo sa direksyon ni Jesus at ng Kanyang pag-ibig—kahit na mayroon tayong mga pagdududa, tanong, at kawalang katiyakan. Sa pagdiriwang natin ng Pasko ng Pagkabuhay, alalahanin natin ang katapatan ng Dios: “Hahanapin ninyo ako at matatagpuan kapag hinanap ninyo ako nang inyong buong puso” (ᴊᴇʀᴇᴍɪᴀꜱ 29:13 ᴀʙᴀʙ).