Noong Mahal na Araw taong 2020, inilawan ang malaking estatwang Christ the Redeemer sa Rio de Janeiro, Brazil. Dahil dito, tila nagbihis bilang manggagamot ang estatwa ni Jesus. Ginawa ito bilang parangal sa maraming frontliners na nakikipaglaban noon sa mga ospital dahil sa COVID-19.
Kilalang paglalarawan kay Jesus ang pagiging Dakilang Manggagamot (ᴍᴀʀᴄᴏꜱ 2:17). Sa Biblia, maraming tao ang pinagaling ni Jesus mula sa kanilang mga pisikal na karamdaman. Ilan sa mga halimbawa ang bulag na si Bartimeo (10:46–52), isang ketongin (ʟᴜᴄᴀꜱ 5:12–16), at isang paralitiko (ᴍᴀᴛᴇᴏ 9:1–8). Pinahalagahan din Niya ang kalusugan ng mga sumusunod sa Kanya nang pawiin Niya ang kanilang gutom sa pamamagitan ng pagpaparami ng tinapay at isda (ᴊᴜᴀɴ 6:1–13). Nagpapakita ang bawat isa sa mga himalang ito ng kapangyarihan ni Jesus at ng Kanyang tunay na pagmamahal sa mga tao.
Gayunpaman, ang Kanyang pinakamalaking gawa ng pagpapagaling ay dumating sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay. Tulad ng sinabi ni Propeta Isaias, “Sa mga sugat ni [Jesus] ay gumaling tayo” mula sa ating pinakamalalang karamdaman: ang ating pagkahiwalay mula sa Dios bilang resulta ng ating mga kasalanan (ɪꜱᴀɪᴀꜱ 53:5). Bagama’t hindi pinapagaling ni Jesus ang lahat ng ating mga pisikal na karamdaman, maaari tayong magtiwalang bibigyan Niya ng lunas ang ating pinakamalalim na pangangailangan. Pagagalingin Niya ang ating relasyon sa Dios.