Noong 2021, may nagbalita tungkol sa labintatlong misyonaryong binihag ng isang grupo ng mga kriminal. Nagbanta ang mga itong papatayin ang mga misyonaryo kung hindi matutugunan ang kanilang hinihinging ransom. Sa hindi kapani-paniwala pangyayari, nakaligtas ang lahat ng misyonaryo. Nang makatakas sila, nagpadala sila ng mensahe sa mga bumihag sa kanila: “Itinuro sa amin ni Jesus, sa pamamagitan ng Kanyang mga Salita at halimbawa, na mas malakas na puwersa ang pagpapatawad kaysa sa poot. Kaya naman pinapatawad namin kayo.”

Maliwanag na sinabi ni Jesus na makapangyarihan ang pagpapatawad. Sinabi ni Jesus, “Kung pinapatawad ninyo ang mga taong nagkasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Amang nasa langit” (ᴍᴀᴛᴇᴏ 6:14). Kalaunan, ipinaliwanag naman ni Cristo kay Pedro kung gaano tayo kadalas dapat magpatawad: “Hindi lang pitong beses, kundi 77 beses” (18:22; ᴛᴀʟ. 21–35). At sa krus, ipinakita Niya ang malalim na uri ng kapatawaran nang ipanalangin Niya, “Ama, patawarin Mo sila dahil hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa” (ʟᴜᴄᴀꜱ 23:34).

Maisasakatuparan lamang ang tunay na kapatawaran kung magkakasundo at magpapakumbaba ang parehong panig. Hindi man maiaalis ang sakit na naidulot ng hindi pagkakasundo, sa ating pagpapatawaran, maipapakita natin ang pag-ibig ng Dios. Humanap nawa tayo ng mga paraan upang magawa nating mapatawad ang isa’t isa.