Habang hinihintay ang pagdating ng tren, isang binata ang nahihirapang ayusin ang kanyang kurbata. Inudyukan naman ng isang matandang babae ang kanyang asawa para tulungan ang binata. Sumang-ayon ang matandang lalaki at tinuruan ang binata kung paano magtali ng kurbata. Isang estranghero ang kumuha ng litrato nila. Nag-viral ito online, at marami ang nag-komento tungkol sa kapangyarihan ng simpleng akto ng kabutihan.

Para naman sa mga nagtitiwala kay Jesus, ang kabaitan sa iba ay sumasalamin sa pagmamalasakit na ipinadama sa atin ni Jesus. Pagpapahayag ito ng pag-ibig ng Dios at kung paano Niya nais mamuhay ang Kanyang mga alagad: “Dapat tayong magmahalan” (1 ᴊᴜᴀɴ 3:11). Inihambing naman ni Apostol Juan ang pagkamuhi sa pagpatay (ᴛᴀʟ. 15). Pagkatapos, binanggit niya si Cristo bilang halimbawa ng pag-ibig na may kasamang gawa (ᴛᴀʟ. 16).

Hindi kailangan ng engrandeng pagsasakripisyo para ipadama ang pagmamahal. Kailangan lang nating kilalanin ang halaga ng bawat isa at unahin ang pangangailangan ng iba kaysa sa atin... araw-araw. Kahit sa mga ordinaryong pagkakataong ginagawa natin ang abot ng ating makakaya para tumulong kapag napansin natin ang pangangailangan ng iba, pag-ibig iyon. At kapag handa tayong maabala at pinili nating kusang tumulong at magbigay lalo na’t hindi naman kailangan, nagmamahal tayong tulad ni Jesus.