Bilang nagtitiwala kay Jesus, sumulat si Augustine ng aklat na naglalarawan ng kanyang mahabang paglalakbay bago nakilala si Jesus. Minsan, papunta siya sa palasyo upang magbigay ng talumpati para sa emperador. Habang nag-aalala tungkol sa kanyang mga sasabihin, napansin niya ang isang lasing na pulubi na “nagbibiro at tumatawa.” Kahit simple ang buhay ng pulubi, masaya ito. Kaya tumigil si Augustine sa paghahangad ng tagumpay na iniaalok ng mundo. Pero nahirapan siyang labanan ang seksuwal na imoralidad. Nanalangin siya sa Dios, “Bigyan Mo po ako ng kalinisan...pero hindi pa ngayon.”
Patuloy na nahirapan si Augustine. Hanggang dumating ang puntong sumuko siya. Binuksan niya ang kanyang Biblia sa Roma 13:13–14, “Mamuhay tayo nang marangal dahil tayo ay nasa liwanag na. Huwag nating gawin ang paglalasing, magugulong kasiyahan, sekswal na imoralidad...Sa halip, paghariin ninyo sa inyong buhay ang Panginoong Jesu-Cristo, at huwag ninyong pagbigyan ang inyong makamundong pagnanasa.”
Iyon na ang naging hudyat. Ginamit ng Dios ang mga talatang iyon upang basagin ang tanikala sa buhay ni Augustine at dalhin siya “sa kaharian ng minamahal niyang Anak. At sa pamamagitan [Niya]...pinatawad na ang ating mga kasalanan” (ᴄᴏʟᴏꜱᴀꜱ 1:13–14). Naging obispo si Augustine. Patuloy pa rin siyang natukso ng katanyagan at pita ng laman. Pero alam na niya kung kanino lalapit kapag nagkasala siya: bumabalik siya kay Jesus. Ikaw ba?