Sinabi ng komedyanteng si John Branyan, “Hindi namin inimbento ang tawanan; hindi namin iyon ideya. Ibinigay iyon sa atin ng Dios. Alam Niyang kailangan natin ito para makatawid sa buhay. Alam Niyang magkakaroon tayo ng mga pagsubok, alam Niyang magkakaroon tayo ng mga paghihirap. Regalo niya sa atin ang pagtawa.”

Kung mabilis nating iisipin ang mga nilikha ng Dios, mapupuno tayo ng tuwa. Nariyan ang mga may kakaibang katangian. Mga ibong mahahaba ang mga binti ngunit hindi makalipad. O mga mamalyang nakatira sa tubig. Malinaw na may sense of humor ang Dios; at dahil nilikha tayo ayon sa Kanyang wangis, mayroon din tayong galak sa pagtawa.

Unang lumitaw ang salitang “pagtawa” sa Biblia sa kuwento nina Abraham at Sara. Nangako ang Dios sa matandang mag- asawang ito ng isang anak: “Hindi [alipin] ang magmamana ng mga ari-arian mo kundi ang sarili mong anak” (GENESIS 15:4). At sinabi ng Dios, “Masdan mo ang mga bituin... Magiging ganyan din karami ang lahi mo” (TAL. 5). Nang nanganak na si Sara sa edad na siyamnapu, pinangalanan ni Abraham ang kanilang anak na Isaac, na nangangahulugang “pagtawa.” Nagsalita si Sara, “Pinatawa ako ng Dios, at kahit sinong makarinig ng tungkol sa nangyari sa akin ay matatawa rin” (21:6). Namangha siyang kaya pa pala niyang mag-alaga ng bata sa kanyang edad! Mula sa tawa ng pagdududa (18:12), binago ito ng Dios at naging tawa ng kagalakan. Magpasalamat tayo sa regalo ng pagtawa!