Kamakailan, bumagyo sa amin. Malakas ang hangin pero kaunti lang ang ulan. Hinangin ang mga buto mula sa puno ng maple at nalaglag sa lupa. Hindi namin ito alam, kaya nagbungkal kami ng lupa kinabukasan. Hindi sinasadyang natanim ang napakaraming buto ng puno ng maple. Pagkalipas ng dalawang linggo, nagsimulang tumubo ang mga puno ng maple sa bakuran namin.

Hindi man ako pabor sa nangyari, pero sumagi ito sa isip ko: Iisang puno lang ang pinagmulan ng mayamang tanim sa bakuran namin. Naging larawan ito sa akin ng bagong buhay kay Cristo na puwede kong ibahagi sa iba—kahit iisa lang ako.

Magkakaroon tayo ng maraming pagkakataon para ibahagi ang dahilan ng pag-asang mayroon tayo (1 PEDRO 3:15). Halimbawa, kapag inuusig tayo dahil sa paggawa ng tama (TAL. 14), puwedeng makita ng mga nasa paligid natin ang pag-asa natin kay Jesus. Puwede itong maging simula ng pag-uusap para magtiwala rin sila sa Dios. Kung handa tayo kapag nagtanong sila, puwede nating maitanim ang buto na magagamit ng Dios para umusbong ang bagong buhay. Hindi kailangang magbahagi sa maraming tao nang sabay-sabay. Kahit dahan-dahan at unti-unti, itanim natin ang buto ng pananampalataya sa mga pusong handang tumanggap nito.