“Pagod na ang tolda!” Iyan ang sabi ng kaibigan kong si Paul na nagpapastor ng isang simbahan sa Nairobi, Kenya. Simula 2015, ginaganap ang pagtitipon nila sa isang tolda. Ngayon, sabi ni Paul, “Sira-sira na ang tolda at tumutulo kapag umuulan.”

Hindi ba parang hawig ang sinabi niya tungkol sa tolda nila sa sinabi ni Apostol Pablo tungkol sa buhay ng tao? “Humihina ang aming katawang lupa...Habang nakatira pa kami sa toldang ito, kami’y naghihinagpis at dumaraing” (2 Corinto 4:16, 5:4).

Bata pa lang, namumulat na tayo sa katotohanang marupok ang buhay ng tao. At habang tumatanda tayo, mas lalo pa natin itong nauunawaan. Para bang isang mandurukot ang oras, na ninanakawan tayo. Ayaw man natin, pero sumusuko rin talaga ang sigla ng pagkabata sa katotohanan ng pagtanda (MANGANGARAL 12:1-7). Napapagod ang katawan natin–ang ating tolda.

Pero huwag agad isiping pagod nang magtiwala ang isang pagod na tolda. Puwede namang hindi maglaho ang puso at pag-asa habang tumatanda tayo. “Hindi kami pinanghihinaan ng loob,” sabi ni Pablo (2 CORINTO 4:16). Sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, ginagawang tahanan ng Dios ang katawan natin. At kapag bumigay na ang katawan natin, magkakaroon tayo ng tahanang hindi nasasaktan o nasisira, isang “katawang panlangit...na hindi mamamatay kailanman” (5:1).