Noong nangailangan ng operasyon sa buto ang anak ko, ipinagpasalamat ko ang doktor na nag-opera sa kanya. Malapit nang magretiro ang doktor na ito at libu-libong tao na ang natulungan niya na pareho ang kondisyon gaya ng sa anak ko. Kahit pa ganoon na ang karanasan niya, nanalangin pa rin siya at hiniling sa Dios na bigyan ng magandang resulta ang gagawing operasyon. Ang laking pasalamat ko na ginawa niya iyon.

Matagal na rin namang namumuno si Haring Jehoshafat. Mga dalawang dekada na. Pero nanalangin pa rin siya noong may krisis. Pinagtutulungan siya ng tatlong bansa at susugurin ang bayan nila kaya nagdasal siya sa Dios nang ganito: “Hihingi kami ng tulong sa Inyo sa aming kahirapan, at pakikinggan Nʼyo kami at ililigtas” (2 CRONICA 20:9). Nagtiwala siya, hiningi ang gabay ng Dios at sinabing, “Hindi po namin alam kung ano ang gagawin namin, pero nagtitiwala po kami sa Inyo” (TAL. 12).

Dahil nagpakumbaba ang hari, naging bukas ang puso niya sa kasagutan ng Dios. Bukod sa pinalakas ng Dios ang kanilang loob, kumilos din Siya upang magkagulo ang mga kalaban nila (TAL. 15-17, 22). Gaano man kalawak ang karanasan, mainam pa ring manalangin at humingi ng tulong sa Dios. Nagbubunga ito ng banal na pagtitiwala sa Kanya. Pinapaalala nito sa ating mas maalam at makapangyarihan ang Dios kaysa sa atin. At ikinalulugod ng Dios ang pagpapakumbaba natin.