Malaki ang problema ng atletang si Hansle Parchment na isang kalahok sa Olympics na ginaganap sa lungsod ng Tokyo sa Japan. Maling bus kasi ang nasakyan niya papunta sa pinagdadausan nito. Malabo na siyang makarating sa tamang oras. Mabuti na lang nakita niya si Trijana Stojkovic na isa sa mga nagboboluntaryo sa Olympics. Binigyan ni Trijana si Hansle ng pera pang-taxi para sana makarating siya agad. Iyon nga ang nangyari. Kinalaunan nanalo si Hansle ng medalya sa larong takbuhan na 110-meter hurdle. Pagkatapos, bumalik siya at hinanap si Stojkovic para magpasalamat.

Katulad ni Hansle ang Samaritanong bumalik upang mag- pasalamat kay Jesus sa Lucas 17. Sampu silang may ketong at hiniling nila kay Jesus na pagalingin sila. Naranasan naman nila ang kapangyarihan at kabutihan ni Jesus. Pinagaling sila ni Jesus. Masaya silang lahat, pero isa lang sa kanila ang “Nagbalik... sumisigaw ng pagpupuri sa Dios. Nagpatirapa siya sa paanan ni Jesus at nagpasalamat” (TAL. 15-16).

Bawat araw, nararanasan natin ang mga biyaya ng Dios sa iba’t-ibang paraan. May mga hindi pangkaraniwan, gaya ng kasagutan sa panalangin para sa matagal nang pagdurusa o napapanahong tulong mula sa taong hindi kakilala. Gayundin ang mas karaniwang bagay tulad ng maaliwalas na panahon para magawa ang mga kailangang gawin sa labas ng bahay. Tulad ng ketonging Samaritano, alalahanin nating pasalamatan ang Dios para sa kabutihan Niya sa atin.