Aktibo si Carson. Mahilig siyang mangaso, mangisda, mag- bisikleta at iba pa. Pero naaksidente siya sa motorsiklo kaya hindi na niya maigalaw ang katawan niya mula dibdib pababa. Nakaranas siya ng depression o matinding kapighatian. Nawalan din siya ng pag-asa. Minsan, niyaya siya ng mga kaibigan para mangaso ulit. Habang nalilibang sa ganda ng kapaligiran, nalimutan niya ang kapansanan niya. Nagdulot ito sa kanya ng malalim na paghilom at nagbigay ng bagong layunin para sa buhay niya. Naisip niyang bigyan din ng ganoong karanasan ang mga tulad niya sa pamamagitan ng organisasyong “Hunt 2 Heal” (pangangaso para sa paghilom). Tinawag niyang “hindi inaasahang biyaya” ang aksidente niya. Ngayon, nakakatulong siya sa iba— isang bagay na matagal na niyang gustong gawin. “Masaya ako,” dagdag pa niya. Nasasabik siyang makatulong sa paghilom ng mga may kapansanan at mga nag-aalaga sa kanila.
Sinabi na noon ni Propeta Isaias ang pagdating ng Siyang magdadala ng paghilom (ISAIAS 61). Siya ang magpapagaling sa “mga sugatang-puso” at mang-aaliw sa “mga nalulungkot” (TAL. 1-2). Matapos basahin ni Jesus ang mga talatang iyan sa sambahan ng mga Judio, sinabi Niya, “Ang bahaging ito ng Kasulatan ay natupad na sa araw na ito habang nakikinig kayo” (LUCAS 4:21). Dumating si Jesus para iligtas at pagalingin tayo.
Kailangan mo ba ng paghilom ng kalooban? Lumapit ka kay Jesus. Siya ang nagbibigay ng “awit ng kagalakan sa halip na kalungkutan” (ISAIAS 61:3 ᴍʙʙ).