Nagkahiwalay ang dalawang magkapatid. Paglipas ng halos dalawampung taon, muli silang nagkasama sa tulong ng DNA test. Nagpadala ng text si Kieron kay Vincent dahil palagay niya, ito ang nawalay niyang kapatid. Tinanong niya si Vincent kung ano ang ipinangalan sa kanya nang ipanganak siya. Agad niyang sagot, “Tyler.” At nasiguro na nga ni Kieron na si Vincent ang kapatid niya. Nakilala niya siya dahil sa pangalan.

Mahalaga rin ang papel ng pangalan sa kuwento ng muling pagkabuhay ni Jesus. Nang pumunta si Maria Magdalena sa pinaglibingan kay Jesus, inakala niyang may kumuha sa bangkay Nito.; Kaya umiyak siya. Tinanong siya ni Jesus, “Babae, bakit ka umiiyak?” (JUAN 20:15). Ngunit hindi nakilala ni Maria si Jesus. Nakilala lang niya si Jesus nang tinawag siya sa pangalan niya, “Maria” (TAL. 16). Nang marinig ito, “sinabi [ni Maria] sa wikang Hebreo, “Rabboni!” (Ang ibig sabihin ay ‘Guro’)” (TAL. 16).

Dama sa tugon ni Maria ang ligaya ng mga nagtitiwala kay Jesus. Alam kasi nating tinalo ni Cristo ang kamatayan para sa lahat, at kinikilala Niya ang bawat isa sa atin bilang anak Niya. Sabi Niya kay Maria, “babalik na ako sa aking Ama na inyong Ama, at sa aking Dios na inyong Dios” (TAL. 17).

Sa pag-alala natin ng muling pagkabuhay ni Jesus, purihin natin Siya dahil ipinakita na Niya ang pinakamalalim na kahulugan ng pag-ibig Niya para sa mga hinirang Niya. Tunay nga, para sa iyo at sa akin, buhay Siya!