Nagsumbong sa pulis si Ekuwa. Ninakaw ang dios-diosan niyang nililok sa kahoy. Inakala ng mga pulis na natagpuan na nila ito, kaya inimbitahan nila si Ekuwa para tukuyin ang nawawalang dios-diosan. “Ito ba ang dios mo?” tanong nila. “Hindi. Mas malaki at mas maganda ang dios ko kaysa diyan,” sagot niya.
Kahit sa Lumang Tipan, sinubukan na ng tao na bigyang hugis ang kanilang dios sa pagnananasang maiingatan sila ng dios na gawang-kamay. Ito marahil ang dahilan kaya kinuha ni Raquel ang mga dios-diosan ng tatay niya (GENESIS 31:19) bago nila lisanin ang puder nito. Pero ang Dios ang gumabay kina Jacob, hindi ang mga nakatagong dios-diosan (TAL. 34).
Kinalaunan sa paglalakbay nila, buong gabing nakipagbuno si Jacob sa “isang lalaki” (32:24). Siguro alam niyang hindi tao ang kalaban niya, dahil nang bukang-liwayway na, sinabi niya, “Hindi kita bibitiwan hangga’t hindi mo ako babasbasan” (TAL. 26). Pinangalanan siya ng lalaki bilang Israel (dahil nakipaglaban siya sa Dios) at binasbasan (TAL. 28-29). Tinawag ni Jacob na Peniel (“mukha ng Dios”) ang lugar dahil “nakita [niya] ang mukha ng Dios pero buhay pa rin [siya]” (TAL. 30).
Hindi hamak na mas malaki at mas maganda ang Dios—ang nag-iisang totoong Dios—kaysa sa kahit anong maiisip ni Ekuwa. Hindi puwedeng ililok, nakawin, o itago ang Dios. Pero tulad nga ng natutunan ni Jacob noong gabing iyon, puwedeng lapitan ang Dios. Tinuro ni Jesus sa mga alagad Niya na tawagin ang Dios na “Ama sa langit” (MATEO 6:9).