Dahil sa matinding sakit na hindi gumaling-galing, madalas nasa bahay lang ako at dama ko ang pag-iisa. Pakiramdam ko hindi ako nakikita ng Dios at ng ibang tao. Isang umaga, dama ko iyan habang nagdarasal at naglalakad ako sa paligid namin kasama ang service dog ko (asong tumutulong sa mga may kapansanan). Sa malayo, napansin kong lumilipad ang isang hot-air balloon (lobong puno ng mainit na hangin na may sakayan ng tao sa ibaba). Nakikita ng mga nakasakay ang tahimik na paligid namin, pero hindi nila ako nakikita. Nagpatuloy ako at napabuntong hininga. Pakiramdam din kaya ng mga kapitbahay kong hindi sila nakikita at wala silang halaga? Sinabi ko sa Dios na sana maipakita ko sa mga kapitbahay kong nakikita ko sila at nagmamalasakit ako sa kanila, at ganoon din ang ating Dios.

Binibigyang pansin ng Dios pati maliliit na detalye. Tiyak Niya ang bilang ng mga bituing nilikha Niya at isa-isang tinatawag sa pangalan (SALMO 147:4). Walang hangganan ang lakas, karunungan, at pang-unawa Niya sa nakaraan, kasalukuyan, o hinaharap (TAL. 5).

Naririnig ng Dios ang bawat pagtangis at nakikita Niya ang bawat luha, gayundin ang bawat kasiyahan at tawa. Nakikita Niya kapag nadarapa tayo, gayundin kapag nagtatagumpay tayo. Nauunawaan Niya ang pinakamalalim nating takot, mga sikretong iniisip, at mga matatayog na pangarap. Alam Niya saan tayo galing at saan patungo. Magtiwala kang nakikita, nauunawaan, at pinagmamalasakitan ka Niya habang tinutulungan ka Niyang makita, marinig, at mahalin ang iyong kapwa.