Isang mahabang takbuhan ang marathon. Kailangang magpalakas ng pangangatawan at pag-iisip sa paghahanda rito. Kailangan ding magpursige at huwag sumuko kahit mahirap. Pero para kay Susan Bergeman na isang labing-apat na taong-gulang na mananakbong nasa hayskul, tungkol sa pagtulak sa iba ang pagsali niya sa isang cross-country race. Sa bawat pagsasanay at paligsahan, tinutulak niya ang kuya niyang si Jeffrey na nasa wheelchair. Inatake sa puso si Jeffrey noong dalawangpu’t- dalawang buwan pa lang siya. Nagresulta ito ng malalang pinsala sa utak at cerebral palsy. Para makasali ang kuya kasama siya, ipinagpaliban muna ni Susan ang mga pansariling hangarin sa pagtakbo. Matinding pag-ibig at sakripisyo ito.

Pag-ibig at sakripisyo rin ang nasa isip ni Apostol Pablo nang hikayatin niya ang mga taga-Roma: “magmahalan kayo” (ROMA 12:10). Alam niyang may inggitan, alitan, at matinding hindi pagkakaunawaan ang mga tagasunod ni Jesus sa Roma (TAL. 18). Kaya nga hinikayat niya ang mga ito na hayaang maghari sa puso nila ang pag-ibig na nag-uugat sa pag-ibig ni Jesus: ipinaglalaban ang kabutihan ng kapwa, taos-puso, at nagbubunga ng pagiging mapagbigay (TAL. 13). Inuuna rin ng ganitong pag-ibig ang kapakanan ng iba kaysa sarili (TAL. 16).

Bilang mga tagasunod ni Jesus, tinatakbo natin ang karera ng pag-ibig. Tinutulungan din natin ang iba na matapos din nila ang karerang ito. Mahirap man, pero nagbibigay parangal ito kay Jesus. Alang-alang sa pag-ibig, umasa tayo sa Dios. Tutulungan Niya tayong magmahal at maglingkod sa kapwa natin.