Noong 2021, ilang bansa ang tulung-tulong sa paglunsad ng James Webb Space Telescope. Layon nitong suriin at aralin ang mga bituin at iba pang kamangha-manghang bagay sa kalangitan. Halos isang milyong milya ang layo nito sa mundo para mas masuri ang kalawakan. Kung gagana nang maayos, makapagbibigay ito ng mahahalagang larawan at impormasyon.
Pero hindi na bago ang layunin nito. Nabanggit na noon pa ni Propeta Isaias ang pagsaliksik sa mga bituin: “Tumingin kayo sa langit! Sino kaya ang lumikha sa mga bituing iyon? Ang Dios ang lumikha niyan. Inilabas niya isa-isa ang mga iyon habang tinatawag niya ang kanilang pangalan” (ISAIAS 40:26). “Araw at gabi” ipinapahayag nila ang Dios na lumikha ng napakalaking kalawakan (SALMO 19:2). Kahit sa kanilang tahimik na pagniningning, malinaw ang mensaheng dala nila (TAL. 3).
Ang Dios nga mismo ang nagdesisyon kung gaano karami ang mga bituin: “Ang bilang ng mga bituin ay kanyang nalalaman at ang bawat isa ay binigyan niya ng pangalan” (SALMO 147:4). Tuwing nagpapadala ang tao ng mga kumplikadong pansiyasat para aralin ang kalawakan, namamangha tayo sa mga nakakabighaning natutuklasan nila. Dahil itinuturo tayo ng bawat isang iyan pabalik sa Manlilikha na gumawa ng lahat. Sabi nga ng Salmo 19:1, “Ang kaluwalhatian ng Dios ay ipinapahayag ng kalangitan.”