Noong 1859, idineklara ni Joshua Abraham Norton ang sarili bilang Emperador ng Amerika. Matapos yumaman at malugi, gusto niyang magkaroon ng bagong pagkakakilanlan bilang unang emperador ng Amerika. Nagpalathala ng anunsyo si “Emperador” Norton sa pahayagang San Francisco Evening Bulletin. Pero tinawanan lang siya ng marami. Nangako siyang iwawasto ang mga problema ng lipunan. Gumawa rin siya ng sariling pera. Sumulat pa siya kay Queen Victoria upang pag-isahin ang mga kaharian nila sa pamamagitan ng kasal. Nagsuot din siya ng unipormeng pansundalo. Sabi ng isang nakakita, “Mukha talaga hari.” Pero syempre, hindi. Hindi naman natin puwedeng imbentuhin kung sino tayo.

Hindi ba maraming taon ang ginugugol ng maraming tao sa paghahanap kung sino sila at kung ano ang halaga nila? Ginagawa natin ang lahat para tukuyin ang ating pagkakakilanlan. Pero ang Dios lang ang makapagsasabi kung sino tayo. Kung tatanggapin natin ang regalo Niyang kaligtasan sa pamamagitan ng Anak Niyang si Jesus, magiging anak Niya tayo. “Ngunit ang lahat ng tumanggap at sumampalataya sa Kanya ay binigyan Niya ng karapatang maging anak ng Dios” (JUAN 1:12). Isang regalong ituring tayo bilang mga minamahal Niyang anak, “hindi sa pamamagitan ng pisikal na pagkasilang o dahil sa kagustuhan ng tao kundi dahil sa kalooban ng Dios” (TAL. 13).

Ibinigay na sa atin ng Dios ang pangalan at pagkakakilanlan natin sa pamamagitan ni Jesus. Kaya maaari na tayong tumigil sa pagkukumpara ng sarili sa iba. Ang Dios na mismo ang nagsasabi kung sino talaga tayo.