Nakita ng isang nagtuturo ng paglangoy ang isang kotseng lumulubog sa Newark Bay sa Amerika. Nasa loob pa ang tsuper at sumisigaw, “Hindi ako marunong lumangoy.” Pinanood ng maraming tao ang pangyayari mula sa pampang. Pero pinili ni Anthony na tanggalin ang kanyang prosthetic leg o artipisyal na paa at tumalon sa tubig para iligtas ang matandang lalaki. Salamat sa mabilis na aksyon ni Anthony, nailigtas ang lalaki.

Mahalaga talaga ang pagpili natin. Tulad na lang ng patriarkang si Jacob na tatay ng marami. Tahasan niyang pinaburan ang labingpitong taong-gulang na anak na si Jose. Binigyan niya si Jose ng “maganda at mahabang damit” (GENESIS 37:3). Ang resulta? Kinamuhian si Jose ng mga kapatid niya (TAL. 4). At nang nagkaroon ng pagkakataon ang mga kapatid niya, ipinagbili nila si Jose para maging alipin (TAL. 28). Pero dahil napunta si Jose sa Egipto, ginamit siya ng Dios para ingatan ang pamilya ni Jacob at iba pang tao sa panahon ng pitong taong taggutom—sa kabila ng nais ng mga kapatid niya na gawan siya ng masama (50:20). Ang pagpili ni Jose na tumanggi sa asawa ni Potifar ang nagsimula ng lahat ng iyan (39:1-12). Nagresulta ito ng pagkakakulong (39:20) at kinalaunan, ang pakikipagkita kay Faraon (KAB. 41).

Kahit pa may kasanayan na si Anthony, kinailangan pa rin niyang magdesisyon. Kung mahal natin at nais nating paglingkuran ang Dios, tutulungan Niya tayong piliin ang nakabubuti sa buhay at nagpaparangal sa Dios. Kung hindi pa tayo nagtitiwala kay Jesus, mainam na magsimula tayo dito.