Minsan, habang nakikita kong napupuno ng tao ang tren, dama ko ang lungkot na madalas maramdaman ng marami tuwing Lunes. Kita sa mga antok at tila aburidong mukha na hindi sila nasasabik pumasok sa trabaho. Marami ang nakasimangot habang lalo pang sumisiksik ang iba sa tren. Heto na naman tayo, isa na namang nakakainip na araw sa opisina.
Bigla kong naalalang kamakailan lang, walang tao sa mga tren. Nagulo ang mga nakagawian natin nang ipinagbawal ang paglabas ng bahay dahil sa COVID-19. Kaya nasabik ang ibang makapasok ulit sa opisina. Pero ngayon, halos nakabalik na sa normal ang lahat, at balik na ulit sa opisina ang karamihan. Naisip kong magandang balita pala ang “nakagawian” at biyaya ang “nakakainip.”
Tulad din iyan sa naisip ni Haring Solomon matapos pag- nilayan ang tila walang kabuluhang pagpapakapagod araw-araw (MANGANGARAL 2:17-23). Minsan, tila ba wala itong katapusan, walang kuwenta, at walang gantimpala (TAL. 21). Pero naisip niyang biyaya mula sa Dios ang kasimplehan na kumain, uminom, at magtrabaho bawat araw (TAL. 24).
Kapag nabago ang nakagawian natin, nagiging espesyal ang kahit simpleng bagay na karaniwan na lang. Pasalamatan natin ang Dios na nakakakain, nakakainom, at napapakinabangan natin ang bunga ng pinagpaguran natin. Biyaya iyan ng Dios (3:13).