Nakakatuwa ang kathang isip na kuwentong ito. Matapos daw magturo ni Albert Einstein tungkol sa isang paksa, sinabi ng drayber niya na sa daming beses na niya itong narinig, kaya na niyang siya mismo ang magturo noon. Sabi ni Einstein na magpalit sila ng puwesto sa kasunod na kolehiyo dahil wala pa namang nakakita sa larawan niya roon. Naging mahusay nga ang pagtuturo ng drayber. Nang puwede nang magtanong ang mga dumalo, sagot niya: “Isa kang matalinong tagapakinig, kaya nagulat ako sa dali ng tanong mo. Kahit drayber ko, kayang sagutin iyan.” At sinagot nga ito ng nagpapanggap na drayber—si Albert Einstein mismo.

Nalagay naman sa mas alanganing sitwasyon ang tatlong matatapang na kaibigan ni Propeta Daniel. Banta ni Haring Nebucadnezar na ipapatapon sila sa naglalagablab na pugon kung hindi sila luluhod sa pinagawa niyang rebulto. Sabi niya, “Tingnan natin kung may dios na makakapagligtas sa inyo” (DANIEL 3:15). Pero hindi sila lumuhod. Sa galit ng hari, pinadagdagan niya ang init at ipinahagis sila sa pugon. Pero may “anghel” silang kasama sa apoy (TAL. 28), na marahil si Jesus mismo, na nagligtas sa kanila at naging sagot sa hamon ng hari (TAL. 24-25). Pinuri ng hari “ang Dios nina Shadrac, Meshac at Abednego” at sinabing, “walang dios na makapagliligtas katulad ng kanilang Dios” (TAL. 28-29).

Minsan tila hindi natin kaya ang problema natin. Pero tumutulong si Jesus sa mga naglilingkod sa Kanya.