“Lisa. Tulungan mo ako." Bumilis ang lakad ko dahil sa boses ng asawa ko. Nakita kong may malaking sugat siya sa ulo. Sinubukan ko pero hindi ko mapatigil ang pagdurugo, kaya dinala ko siya agad sa ospital. Doon, tinahi ng doktor ang sugat niya.
May mga sugat na hindi kusang gumagaling. Dapat tahiin para mas malalim ang paghilom. Ganoon din sa mga sugat sa damdamin at espiritu. Sinasabi sa Salmo 147 kung sino ang Siyang makapagbibigay lunas sa mga sugat na iyan.
Tungkol sa awit ng papuri ang Salmo 147. Inaalala nito ang makapangyarihang paglikha ng Dios (TAL. 4, 8-9, 15-18). Nakapaloob din dito ang paalalang kasama sa makapangyarihang pag-aalaga ng Dios sa nilikha Niya ang patuloy na pagmamahal at pagmamalasakit sa mga hinirang Niya. Iyan ang lakas na umaalalay sa mga sawi at sugatan (TAL. 3), nagbibigay ng kapayapaan (TAL. 14), at gumagabay sa atin sa katotohanan Niya (TAL. 19-20).
Kapag sugatan ang ating puso, nakapagbibigay ng kasiguraduhan ang Salmo 147 na ang Dios na lumikha at naghahari sa mundo ang Siya ring nagmamahal at nag-aalaga sa atin (TAL. 3). Tanging sa pagbabalik ni Jesus tuluyang maghihilom ang lahat ng sugat (PAHAYAG 21:4). Pero puwede tayong mapanatag sa katotohanang kumikilos ang makapangyarihang Dios sa bawat dalamhati at paghihirap na nararanasan natin.