Nagdadalamhati ang pamilya ni Angela. Apat na mahal sa buhay ang pumanaw sa loob lang ng isang buwan. Matapos ang biglang pagpanaw ng pamangkin, tatlong araw na nakaupo lang sa hapag kainan sina Angela at dalawang kapatid niya. Umaalis lang sila para bumili ng paglalagyan ng abo ng yumao, bumili ng lutong pagkain, at pumunta sa libing. Sa gitna ng pagluluksa, ipinagdiwang rin nila ang larawan ng ultrasound ng bagong buhay na lumalaki sa sinapupunan ng bunsong kapatid nila.

Kinalaunan, nakakita si Angela ng pag-asa at ginhawa sa aklat ni Ezra sa Lumang Tipan. Nagbalik ang mga Israelita sa Jerusalem matapos wasakin ng mga taga-Babilonia ang templo nila at alisin sila sa minamahal nilang bayan (EZRA 1). Habang pinagmamasdan nila ang pagtatayo ng templo, narinig nila ang mga pari at Levita na masayang nagpupuri sa Dios (3:10-11). Pero narinig rin nilang umiiyak nang malakas ang matatandang pari at Levita na naalala ang buhay bago ang pananakop (TAL. 12). May isang talatang higit nakagaan ng loob ni Angela: “Hindi na malaman ang sigaw ng kagalakan at ang tinig ng pag-iyak dahil napakaingay ng mga tao, at naririnig ito sa malayo” (TAL. 13). Naisip niya na kahit sa matinding pagdadalamhati, puwede pa ring makaranas ng ligaya.

Nagdadalamhati rin ba tayo dahil sa pagpanaw ng mahal sa buhay o dahil sa ibang kawalan? Maaari nating ipahayag sa Dios ang kirot pati na rin ang galak. Dinirinig tayo ng Dios at niyayakap tayo sa bisig Niya.