Maraming iba’t ibang museo sa mundo. Isa na rito ang National Mustard Museum na nasa Amerika. Makikita rito ang halos 6,090 uri ng mustasa mula sa iba’t ibang lugar sa mundo. Matutuwa ka naman kapag bumisita ka sa Barbed Wire Museum kung saan makikita mo ang iba’t ibang materyales na ginagawang bakod. Masasaksihan mo naman sa Banana Museum ang iba’t ibang uri ng saging at mga dekorasyong hugis saging. Ipinapakita ng mga museong ito ang mga bagay na pinipili nating mahalaga.

Maaaring nakakatawang isiping may mga taong pinapa- halagahan ang mga ganoong bagay. Pero kung pag-iisipan nating mabuti, tayo rin ay tila gumagawa ng sarili nating museo–mga bagay na pinapahalagahan natin sa ating puso na nagiging dios- diosan na natin. Sinabi ng Dios, “Huwag kayong sasamba sa ibang mga dios maliban sa Akin. Huwag ninyo itong paglilingkuran o sasambahin” (EXODUS 20:3,5). Pero minsan, gumagawa tayo ng sarili nating dios-diosan na sinasamba natin gaya na lamang ng ating kayamanan, mga bagay na ninanasa natin, o tagumpay na ating natamo.

Nalalaman ng Dios ang mga dios-diosan na nasa ating puso. Pero sinabi rin Niya na ipinapakita Niya ang Kanyang pagmamahal sa napakaraming henerasyon ng nagmamahal sa Kanya (TAL. 6). Nawa lubos nating maunawaan na ang tanging makapagpupuno ng ninanais ng ating puso ay ang pag-ibig natin sa Panginoon.