Noong nakaraang tagsibol, nagtanim ang aking asawa ng halamang moonflower vines. Malalaki at puting mga bulaklak ito na katulad ng bilog na buwan. Tuwing gabi, namumulaklak ang halamang ito. Pero pagsapit ng umaga, natutuyo na ang mga bulaklak. Kaya kapag gabi, masaya naming pinagmamasdan ang mga bulaklak nito at ang gandang naidudulot nito sa paligid.

Naaalala ko sa mga bulaklak na ito ang isang katotohanang itinuturo sa Biblia. Isinulat ni Apostol Pedro, “Ipinanganak na kayong muli, hindi ng binhing nasisira, kundi ng walang kasiraan, sa pamamagitan ng buháy at nananatiling salita ng Dios. Sapagkat, ‘Ang lahat ng laman ay gaya ng damo, at ang lahat ng kaluwalhatian nito ay gaya ng bulaklak ng damo. Ang damo’y natutuyo, at ang bulaklak ay nalalanta subalit ang salita ng Panginoon ay nananatili magpakailanman’” (1 PEDRO 1:23-25 ᴀʙᴀʙ).

Gaya ng mga bulaklak sa hardin ang buhay natin dito sa mundo. Napakaiksi nito kung ikukumpara sa buhay na walang hanggan. Pero may magandang pangako ang Dios sa maiksi nating buhay dito sa mundo. Makakamit natin ang buhay na walang hanggan na kasama ang Dios sa pamamagitan ng Panginoong Jesus. Doon sa langit, pupurihin natin ang Dios magpakailanman.