Lumipat na ng tahanan ang aking mga magulang. Tinulungan namin sila ng aking mga kapatid na maghakot ng mga gamit. Nang hapon na at huling paghakot na namin ng mga gamit, kumuha kami ng larawan gamit ang aming kamera. Ito ang huling pagkakataong naroon kami sa bahay kung saan kami lumaki. Pinigilan kong maluha nang sabihin ng aking nanay na, “Wala nang laman ang dati nating bahay.” Nalungkot ako sa sinabi niya. Ang aming lumang bahay na tinirahan sa loob ng limampu’t apat na taon at punong-puno ng alaala ay wala nang laman ngayon.

Katulad ng kalungkutang nadama ko ang nadama ni Propeta Jeremias. Sinabi niya, “Napakalungkot na sa Jerusalem na dati ay puno ng mga tao! (1:1). Wala nang tao sa Jerusalem “dahil napakarami nitong kasalanan” (TAL. 5). Ipinatapon ng Dios ang mga Israelita sa Babilonia dahil hindi nila sinunod ang Kanyang mga utos (TAL. 18). Lumipat ng bahay ang aking mga magulang hindi dahil nagkasala sila. Pero dahil sa pagpasok ng kasalanan sa mundo dahil kay Adan, tumatanda at namamatay ang mga tao. Kapag tumanda na tayo, mas madaling panatilihin ang mas maliit na bahay.

Nagpapasalamat ako sa mga alaalang naiwan namin sa dati naming tahanan. Pero alam kong darating ang panahon na hindi na lamang sa bahay kami magpapaalam kundi pati na rin sa aming mga magulang. Napaiyak ako at nanalanging nawa’y dumating na si Jesus upang pawiin ang kalungkutan at gawing bago ang lahat ng bagay.