Nagkaroon ng giyera sa Burundi at libu-libong sibilyan ang naapektuhan. Tumugon naman si Chrissie para tumulong upang magbigay pagkain sa kanila. Napansin niya ang isang lalaki sa dulo ng pila. Tila nananalangin ito. Dinalhan niya ito ng lugaw at pinakinggan ang kanyang kuwento. Walumpu’t-tatlong gulang na ang lalaki. Namatay sa giyera ang asawa niya at lahat ng pitong anak niya. Wala rin siyang naisalbang gamit liban sa damit na suot niya. Pero sabi niya kay Chrissie: “Ngayong si Jesus na lang ang mayroon ako, naunawaan ko na si Jesus lang pala ang tanging kailangan ko.”
Naunawaan ng matanda ang sikreto ng kakontentuhan. Gayundin naman si Apostol Pablo. Dumanas siya ng paghihirap at pagkakulong. Sa sulat niya sa mga taga-Filipos, sinabi niyang “marunong [siyang] mamuhay sa hirap o ginhawa” pero “natutunan [niyang] maging kontento” anuman ang sitwasyon (FILIPOS 4:11-12). Busog man o gutom, may pera o wala, “kaya kong harapin ang kahit anong kalagayan sa pamamagitan ng tulong ni Cristo na nagpapatatag sa akin” (TAL. 13). Gaya ng matanda, para kay Pablo, si Jesus ang tanging kailangan niya.
Iba iba ang pangangailangan natin. May pisikal, emosyonal, at espirituwal. Anuman ito, maaari tayong lumapit kay Jesus. Pupunuin Niya tayo ng lakas ng loob, pananampalataya, at katatagan. Sakaling mawala man sa atin ang lahat, matutuklasan nating si Jesus lang ang tanging mayroon tayo. At Siya lang ang ating tanging kailangan.