Naghanda ang maraming manlalaro para sa isang paligsahan. Bawat grupo sa larong ito ay binubuo ng tatlong taong magkakatali ang mga paa. Dapat silang maglakad nang sabay-sabay hanggang matapos ang karera. Marami ang natumba at nahirapan para sabay-sabay na makapaglakad. Sumuko naman ang iba sa paglalaro. May isang grupo namang naging mabagal sa simula pero pinag-usapan ang kanilang plano. Nahirapan din sila at natumba pero hindi sila sumuko at naunahan ang ibang grupo. Natapos nila ang karera dahil sa kanilang pagkakaisa.
Gaya sa paligsahan, mahirap minsan na makipag-usap at makitungo sa mga nagtitiwala kay Jesus. Minsan kasi, iba ang pananaw nila sa atin kaya nahihirapan tayong makisalamuha sa kanila.
Sinabi naman ni Apostol Pedro na kailangan ang pananalangin, mabuting pakikitungo, at paggamit ng ating mga kakayahan sa pakikiisa sa ibang tao. Hinikayat niya ang mga nagtitiwala kay Jesus na “magmahalan nang tapat” (1 PEDRO 4:8), “tanggapin sa tahanan ang isa’t isa nang maluwag sa puso, at gamitin [ang ating kaloob] sa ikabubuti ng lahat bilang mabubuting katiwala ng ibaʼt ibang kaloob ng Dios” (TAL. 10). Sa tulong ng Dios, magiging maayos ang pakikitungo natin sa iba at maipapakita natin kung paano mamuhay nang may pakikiisa at pagtutulungan.