Nang maaksidente si Pastor Bob, naapektuhan ang kanyang boses at nahirapan na siyang magsalita. Labinlimang taon siyang nakaramdam ng matinding kalungkutan. Nagtanong siya sa Dios kung bakit siya dumanas ng ganito. Ano nga ba ang magagawa ng isang pastor na hindi makapagsalita? Pero naisip niya, “Isang bagay lamang ang magagawa ko–ang magbasa ng Salita ng Dios.” Lalong lumalim ang pag-ibig niya sa Dios nang maglaan siya ng oras sa pagbabasa ng Biblia. Sinabi niya: “Nagbasa ako ng Salita ng Dios dahil ang pananampalataya ay nanggagaling sa pakikinig, at ang pakikinig ay sa pamamagitan ng Salita ng Dios.”
Sinabi rin naman ni Apostol Pablo sa kanyang sulat sa mga taga- Roma na “ang pananampalataya ay nanggagaling sa pakikinig.” Ninais ni Pablo na magtiwala rin kay Cristo at maligtas ang kanyang mga kapwa Judio (ROMA 10:9). Paano sila sasampalataya? Sa pamamagitan ng pananampalatayang “nanggagaling sa pakikinig, at ang pakikinig ay sa pamamagitan ng salita ni Cristo” (TAL. 17 ᴀʙᴀʙ).
Tinanggap at pinaniwalaan ni Pastor Bob ang mensahe ni Cristo sa pagbabasa niya ng Biblia. Isang oras na lamang siya nakakapagsalita sa kanilang simbahan. Kahit na nakakaramdam siya ng lubos na sakit pagkatapos niyang magsalita, mayroon naman siyang kasiyahan at kapayapaan sa pagbabasa niya ng Biblia. Mapagkakatiwalaan din naman natin si Jesus na ihahayag Niya ang Kanyang kapangyarihan sa gitna ng ating mga pagsubok. Dadagdagan Niya ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng paglalaan natin ng panahon na basahin at pakinggan ang Kanyang Salita.