Araw-araw tinitiis ni Dan ang pambubugbog sa kanya ng guwardiya sa bilangguan. Bilang nagtitiwala kay Cristo, naisip ni Dan na kailangan niyang pakitaan ng pag-ibig ang guwardiyang ito. Kaya minsan, bago siya bugbugin ng guwardiya, sinabi niya, “Sir, araw-araw ko po kayong makikita sa pananatili ko rito sa bilangguan. Maaari ba tayong maging magkaibigan?” Pero ang sagot ng guwardiya, “Hindi puwede. Kahit kailan ay hindi tayo magiging magkaibigan.” Pero nagpumilit si Dan at iniabot niya ang kanyang kamay sa guwardiya.

Nagulat ang guwardiya. Maya-maya pa, napaiyak ito at nakipagkamay na rin kay Dan. Sinabi ng guwardiya, “Masaya akong maging kaibigan ka.” Simula noon, hindi na muling binugbog ng guwardiyang iyon si Dan.

Mababasa naman natin sa Biblia na, “Kung ang iyong kaaway ay gutom, bigyan mo siya ng makakain; at kung siya’y uhaw, bigyan mo siya ng tubig na iinumin; sapagkat magbubunton ka sa ulo niya ng mga baga ng apoy, at gagantimpalaan ka ng Panginoon” (KAWIKAAN 25:21-22 ABAB). Maaaring mula sa rituwal ng mga Egipcio ang larawan ng “baga ng apoy.” Sa rituwal na ito, humihingi ng tawad ang taong nagkasala sa pamamagitan ng pagdadala ng isang mangkok na may maiinit na baga sa kanyang ulo. Ganoon din naman, kapag ginawan natin ng mabuti ang ating kaaway, mahihiya siya at maaaring humingi siya sa atin ng kapatawaran.

Sino ang iyong mga kaaway? Kung paanong nadiskubre ni Dan na sapat ang kagandahang-loob ni Cristo upang baguhin ang puso niya at ng kanyang kaaway, magpakita rin tayo ng pag-ibig sa ating mga kaaway.