Isang tagapagturo ng Biblia si John M. Perkins. Tagapagtaguyod din siya ng pantay na karapatan sa lahat ng tao. Nang malapit na siyang pumanaw, nagbigay siya ng kanyang huling habilin sa mga taong maiiwan niya. Sinabi niya, “Ang tanging paraan upang makalapit tayo sa Dios ay ang magsisi tayo sa ating mga kasalanan. Mapapahamak tayo kung hindi tayo magsisisi sa ating mga kasalanan.”

Sinabi rin naman ni Jesus at ng ibang apostol sa Biblia ang tungkol sa pagsisisi sa ating mga kasalanan. Sinabi ni Jesus, “Ngunit tinitiyak Ko sa inyo: mapapahamak din kayo tulad nila kung hindi n’yo pagsisisihan ang mga kasalanan ninyo” (LUCAS 13:3). Sinabi naman ni Apostol Pedro, “Kaya ngayon, kailangang magsisi na kayo at lumapit sa Dios, para patawarin Niya ang inyong mga kasalanan” (GAWA 3:19).

Sa Lumang Tipan naman ng Biblia, mababasa natin ang tungkol kay Propeta Samuel. Ninais niyang manumbalik sa Dios ang mga Israelita. Nang malapit nang pumanaw si Samuel, sinabi niya sa lahat ng Israelita, “Huwag kayong matakot. Kahit na nakagawa kayo ng masama, huwag ninyong talikuran ang Panginoon, kundi paglingkuran ninyo Siya nang buong puso” (TAL. 20). Ito ang mensahe niya ng pagsisisi—ang talikuran ang masama at sumunod sa Dios nang buong puso.

Nagkasala tayong lahat at hindi nakaabot sa pamantayan ng Dios. Kaya kailangan nating magsisi sa ating mga kasalanan at lumapit kay Jesus. Siya ang magpapatawad sa atin at magbibigay sa atin ng kakayahang sumunod sa Kanya.