Nakaratay sa ospital ang lola namin matapos ilang beses makaranas ng stroke. ‘Di pa alam ng mga doktor kung gaano katindi ang pinsala sa utak niya. Kailangang hintaying bumuti ang kalagayan niya bago suriin ang utak niya. Madalang siyang magsalita. Madalas ‘di pa nga maintindihan ang sinasabi niya. Pero nang makita ako ng walumpu’t-anim na taong gulang na lolang nag-alaga sa anak ko nang labindalawang taon, tinanong niya ako, “Kumusta si Kayla?” Tungkol sa anak kong iniibig niya nang lubos ang unang salita niya sa akin.
Mahal din ni Jesus ang mga bata. Pinahalagahan Niya sila kahit na ‘di ito ikinatuwa ng mga alagad Niya. May mga magulang kasi noon na lumalapit kay Jesus kasama ang mga maliliit nilang anak. Pinili ni Jesus na “patungan niya ng kamay at pagpalain” ang mga bata (LUCAS 18:15). Kaya lang, ‘di lahat natuwa. Nayamot ang mga alagad ni Jesus. Pinagalitan nila ang mga magulang at sinabihang huwag gambalain si Jesus. Pero pinigilan ni Jesus ang mga alagad at sinabing, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata” (TAL. 16). Tinawag ni Jesus ang mga bata bilang halimbawa kung paano natin dapat tanggapin ang kaharian ng Dios—na may simpleng tiwala at pagpapakatotoo.
Walang nakatagong pakay ang mga bata. Kung ano ang ipinapakita nila, iyon na nga iyon. Sa patuloy na pagtulong sa atin ng ating Dios Ama na manumbalik sa atin ang mala-batang tiwala, nawa maging bukas ang tiwala natin sa Kanya na tulad ng isang bata.