Lalong tumindi ang labanan ngayong may internet na. Kaya mas lalo pang nag-iisip ng malikhaing pamamaraan ang mga negosyo para makaakit ng mga mamimili. Tulad ng Subaru, na nagbebenta ng sasakyan. Kilalang tapat ang mga may sasakyang Subaru kaya inanyayahan ng kompanya ang mga “Subbie superfan” o mga tagahanga ng Subaru na maging endorser o tagapagtaguyod ng produkto.
Ayon sa website ng kumpanya, “piling grupo ito ng mga tao na boluntaryo at maalab na nagbabahagi tungkol sa Subaru. Tumutulong sila para mapagbuti pa ang produkto sa hinaharap.” Gusto ng kumpanyang maging parte ng pagkakakilanlan ng tao ang pagmamay-ari ng kotseng tatak Subaru.
May ibang programa naman si Apostol Pablo upang mahikayat ang iba na sumunod kay Jesus. “Kaya nga, dahil may takot kami sa Panginoon, ginagawa namin ang lahat para mahikayat ang mga tao na manumbalik sa kanya” (2 CORINTO 5:11). Dagdag niya, “At kami ang kanyang pinagkatiwalaan na magpahayag ng mensaheng ito. Kaya nga, mga sugo kami ni Cristo, at sa pamamagitan namin, nakikiusap ang Dios sa inyo na manumbalik na kayo sa kanya” (TAL. 19-20).
Marami ang nangangakong tutugunan nila ang malalalim nating pangangailangan para gawin tayong masaya, buo, at may layunin. Ngunit isa lang ang totoong Magandang Balita: ang mensahe ng pagpapanumbalik at pagkakaayos. Ito ang mensaheng ipinagkatiwala sa ating mga nagtitiwala kay Jesus. Karangalan nating ibahagi iyan sa mundong nangangailangan ng pag-asa.