Sinulat ni Dr. Richard Swenson sa aklat niyang Margin, “Kailangan natin ng panahon para huminga. Kailangan natin ng laya para mag-isip at pahintulot na maghilom.

Pinapatay ng tulin ng mundo ang mga ugnayan natin...tila sugatang nakahandusay ang mga anak natin dahil nasagasaan ng ating maganda ngunit walang katapusang hangarin. Nasa panig na ba ang Dios ng kapaguran ngayon? ‘Di na ba Niya inaakay ang mga tao sa tahimik na batisan? Sino’ng nagnakaw ng malawak at maluwag na lugar ng nakaraan at paano natin mababawi ang mga ito?” Sabi ni Swenson, na kailangan natin ang tahimik at matabang lupa kung saan tayo makapagpapahinga’t makakapiling ng Dios.

Sa Biblia, naisabuhay ni Moises ang paghanap ng bakanteng lugar. Suwail at matitigas ang ulo ng mga taong pinamunuan niya (EXODUS 33:5), kaya madalas siyang lumayo para makahanap ng pahinga at gabay sa piling ng Dios. Sa “Toldang Tipanan” (TAL. 7), “magkaharap“ silang nag-uusap ni Yahweh na “katulad ng magkaibigan na nagkukwentuhan” (TAL. 11). Madalas ding pumunta si Jesus “sa ilang at doon nananalangin” (LUCAS 5:16). Batid nilang mahalaga ang magkaroon ng oras sa piling ng Ama.

Kailangan rin nating magkaroon ng espasyo sa buhay natin. Mahalaga ang bakanteng panahon kung saan maaari tayong makapagpahinga sa piling ng Dios. Makakatulong ang paglalaan ng oras sa Dios sa paggawa ng mas mabuting desisyon. Kailangan din natin ng espasyo para may lakas tayong mahalin ang Dios at ang kapwa natin. Hanapin natin ngayon ang Dios sa bakanteng lugar at panahon.